Sa Pagkislap, Nariyanang Pagsubok
(sulatin 3)
Kapag ikaw ay wala pang nararating, madalas kang balewalain ng iba. Ang iyong presensya ay tila isang anino lamang na hindi nararamdaman ng karamihan. Ngunit habang unti-unti kang kumikinang at nakakamtan ang iyong mga pangarap, bigla kang nagiging sentro ng atensyon.
Ngunit kasama ng atensyong ito ang paglitaw ng mga taong may layuning hanapan ka ng kahinaan. Parang bunga sa isang puno, pipitasin ka nila sa sandaling makita ang iyong kinang, ngunit sabay din nilang hahanapan ng bahagi kung saan tila may pagkukulang. Ang mga kahinaang ito ay gagamitin upang ikaw ay pabagsakin.
Ganito ang realidad ng buhay isang siklo ng pagkilala, paghanga, at minsan ay paninira. Sa kabila nito, mahalagang manatiling matatag at huwag magpapadala sa mga paghatak pababa. Ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa dami ng pumupuri kundi sa tibay mong harapin ang mga pagsubok.
Ang Sayang na Potensyal ng Maling Landas
Sa mundo ng edukasyon, isa sa mga pinakamalaking hamon ay ang maling paglalagay ng mga estudyante sa kanilang tamang specialty. Marami ang mga kabataang may taglay na husay at talento, ngunit napupunta sa kursong hindi angkop sa kanila. Halimbawa, isang estudyanteng magaling sa computer systems servicing (CSS) ang maaaring mapunta sa shielded metal arc welding (SMAW).
Sa ganitong kalagayan, hindi lamang nasasayang ang kanyang talento kundi nawawala rin ang oportunidad na lalo pang mahubog ang kanyang kakayahan. Sa halip na mas lumago, siya ay nagkakaroon ng pag-aalinlangan at maaaring mawalan ng interes sa pag-aaral. Ang ganitong sistema ay hindi lamang nakakapinsala sa isang indibidwal, kundi pati na rin sa lipunan.
Kung bawat estudyante ay maitatakda sa landas na tunay na para sa kanya, mas magiging produktibo at epektibo ang kanyang kontribusyon sa komunidad. Mahalagang bigyang pansin ang tamang paggabay sa kabataan, dahil dito nakasalalay ang kanilang kinabukasan at ang tagumpay ng ating lipunan.




Comments
Post a Comment