The Writer
Sta. Lucia High School
# 30 Tramo St. Rosario Village, Sta. Lucia, Pasig City
The Writer
ni Kris Alarde
BPC, 2024
Isang Suring-Aklat(Book-Review) na iniharap
kay G. Danilo P. Agpaoa, LPT
Bilang isa sa mga Pangangailangan sa Kursong
Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik
Ipinasa ni:
Kobe James D. Gubatana
G11- STEM 1
Enero, 2025
I. PANIMULA
A. Pamagat
Ang "The Writer" ay isang nakakatakot na nobela na sumasalamin sa kapangyarihan ng takot at ng pag-iisip. Ang pamagat mismo ay nagpapahiwatig ng misteryo at panganib na naghihintay sa mga mambabasa. Sino ba ang "The Writer" na ito? Ano ang kanyang mga motibo? Ang mga tanong na ito ay agad na nagpapakilig ng kuryusidad at nag-udyok sa mga mambabasa na tuklasin ang kuwento.
B. Uri ng Panitikian at Genre
Ang The Writer ay isang nobela at nabibilang sa genre ng horror fiction. Ang "The Writer" ay isang horror fiction na nagsasalaysay ng mga misteryo at karumal-dumal na pangyayari. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga elemento ng suspense at psychological horror, ang The Writer ay nagbibigay-diin sa mga kadiliman at mga nakakatakot na aspeto ng buhay. Ang akda ay nag-iiwan ng matinding impresyon sa mga mambabasa na nagpapakita ng kapangyarihan ng takot at ang panganib ng mga masasamang puwersa na umiiral sa mundo.
C. Pagkilala sa May-akda
Si Kris Alarde ay isang manunulat at dating guro na ipinanganak sa Pinagtalyeran, Calauag, Quezon at lumaki sa Lopez, Quezon. Nagtapos siya ng BSE Major in Biology at minor sa Physical Science sa Bicol University.
Naging aktibo siya sa mga gawaing kultural sa Laguna at nagtatag ng Teatro Dumalayan. Nag-publish siya ng halos 200 Love and Romance pocket books mula 1995 hanggang 2000. Nagtrabaho siya bilang propesor sa Far Eastern University (FEU) kung saan nakatapos siya ng Doctor of Educational Management. Naging kasapi rin siya ng FEU Writers' Guild at sumulat ng mga libro para sa asignaturang Filipino. Isa sa kanyang mga likhang dulang pantanghalan ay ang Makabagong Urbana at Felisa na itinanghal noong 2014. Sa kasalukuyan, retiradong si Crispulo ay nagnanais na muling isulat at maisa-aklat ang kanyang mga likhang pampanitikan.
Ang paraan nya sa paglikha ng mga horror fiction ay nagbibigay ng kredibilidad sa The Writer, na nagdaragdag sa antas ng suspense at takot na nararanasan ng mga fans o kanyang mambabasa. Ang kanyang kakayahan sa pagsulat ay nagpapakita ng malalim na pag-unawa sa kadiliman ng tao at ng mundo, ang The Writer ay isang napakagandang mystery na horror at thriller na libro.
II. PAGSUSURING PANGNILALAMAN
A. TEMA/PAKSA
Ang pangunahing tema ng nobela ay ang kapangyarihan ng takot at ang panganib ng mga negatibong damdamin. Ang The Writer ay nagsisiyasat kung paano ang takot at galit ay maaaring magbukas ng daan para sa mga masasamang espiritu na makapasok sa isip ng isang tao. Ang nobela ay nagpapakita ng mga kahihinatnan ng mga negatibongemosyon at ang panganib ng pagpapasakop sa takot.
B. MGA TAUHAN, TAGPUAN AT PANAHON
Mga Tauhan
a. Jasper- Ang sensitibong binatilyong si Jasper sila ang nagsisilbing "gateway" ng mambabasa sa nakakatakot na mundo ng "The Writer." Ang kanyang pagkahilig sa mga horror stories, na tila nagbibigay sa kanya ng ilang kasanayan sa pagkilala sa mga elemento ng misteryo, ay nagiging kanyang kahinaan nang magsimulang sumalakay sa kanya ang kanyang mga panaginip. Ang kanyang pagiging mausisa at determinadong malaman ang katotohanan sa likod ng mga nakakatakot na pangyayari ay nagtutulak sa kanya sa isang mapanganib na paglalakbay ng pagtuklas. Sa kanyang pagsisikap na maunawaan ang mga pangyayari, siya rin ay natututo ng mahahalagang aral tungkol sa kanyang sarili at sa mga tao sa kanyang paligid.
b. Mr. Martin De Guzman- Ang erpats ni Jasper, isang matatag at mapagmahal na ama na nagsisilbing haligi ng kanyang pamilya, ay biglang naglaho sa mundo nang masawi sa isang karumal-dumal na krimen. Ang kanyang biglaang kamatayan ay nagiging isang malaking misteryo na nagtutulak kay Jasper upang magtanong at maghanap ng mga sagot. Ang pagkawala ng kanyang ama ang nagsisilbing catalyst ng takot at pag-uusisa ni Jasper, na humahantong sa kanya sa mundo ng mga espirito. Ang kanyang pagiging isang branch manager ay nagpapahiwatig na siya ay isang taong may responsibilidad at tagumpay, ngunit ang kanyang biglaang pagkawala ay nagpapakita ng kahinaan at kawalang-katiyakan ng buhay.
c. Mrs. Carmen De Guzman- Ang ermats ni Jasper, na nagsisilbing naman bilang "anchor" ng pamilya, ay nagpapakita ng lakas at suporta sa kanyang anak. Sa kabila ng trahedya na kanilang naranasan, siya ay nagsisikap na maging matatag para kay Jasper at nagsisilbing tagapayo at taga-alalay kay jasper. Ang kanyang pagmamahal at pag-aalala ang nagbibigay ng inspirasyon kay Jasper upang magpatuloy at harapin ang kanyang mga takot. Ang kanyang character ay nagpapakita ng katatagan at pagmamahal bilang isang ina, kahit na nasa gitna man siya ng mga hamon sa buhay.
d. Mr. Amado Sebastian- Ang dating manunulat na si Mr. Sebastian ay nagsisilbing gabay ni Jasper sa mundo ng mga espirito. Ang kanyang mga karanasan at kaalaman, na nakuha mula sa kanyang sariling paglalakbay sa mundo, ay nagbibigay ng mahalagang impormasyon at pananaw. Ang kanyang papel ay nagpapahiwatig na ang mga karanasan ng tao ay nagiging aralin at tagapagturo at ang kaalaman ay isang mahalagang bagay sa pakikipaglaban sa takot.
e. Aling Linda- Ang asawa ni Mr. Sebastian, ay isang character na nakasaksi rin ng mga nakakatakot na pangyayari. Siya naman ay ang nagsisilbing "link" sa mundo ng mga espiritu at nagbibigay ng pananaw sa mga nangyayari. Ang kanyang pagiging mapagmasid at sensitibo ay nagpapakita na ang ordinaryong tao ay maaaring magkaroon ng mga espesyal na kakayahan at pananaw.
f. Aling Lydia at Aling Thelma- Ang dalawang kasambahay, na "ordinaryong" mga mata sa gitna ng mga kakaibang pangyayari, ay nagbibigay ng realism at kontrast sa kwento. Ang kanilang reaksyon at mga obserbasyon ay nagpapakita na ang takot at ang di-pangkaraniwan ay maaaring makarating sa sinuman at ang mga pangkaraniwang tao ay may karapatang mag-react at magtanong.
g. Bobby, Paolo at Hyden- Sila naman ang mga “kaibigan” ni Jasper na nagpapakita ng suporta ng mga kabataan sa panahon ng paghihirap. Ang kanilang pakikiramay, pagkakaisa, at pagiging mapagmahal ay nagpapakita ng kahalagahan ng mga relasyon sa gitna ng mga hamon. Ang kanilang karakter ay nagpapakita na ang mga kabataan ay maaaring maging matatag at matulungin sa gitna ng mga mga pagsubok.
Mga Tagpuan
Ang nobela ay naganap sa iba't ibang lugar sa Pilipinas, kabilang ang isang village sa Pasig City, isang condo unit, isang mall, at isang sementeryo sa La Loma. Ang mga tagpuan na ito ay nagsisilbing simbolo ng mga kadiliman at misteryo na nararanasan ng mga tauhan. Ang village ay kumakatawan sa ordinaryong buhay na biglang nabulabog ng takot, ang condo unit ay nagiging isang lugar ng pagtatago at panganib, ang mall ay isang lugar ng komersyo na nagtatago ng mga madilim na lihim, at ang sementeryo ay isang lugar ng kamatayan at mga espirito.
Panahon
Ang nobela ay nagaganap sa kasalukuyang panahon, kung saan ang mga tauhan ay nakaharap sa mga hamon ng modernong lipunan at ang kuwento ay naganap sa kasalukuyan. Ito rin ay naka set sa modernong panahon kung saan laganap ang paggamit ng social media, online shopping, at mga online games. Makikita rin sa kwento ang mga impluwensiya ng modernong mundo, tulad ng pagtutok sa mga sikat na horror movies at ang pagkalat ng mga fake news sa social media. Ang kwento ay may mga elemento ng pagiging moderno at tradisyonal sa kulturang Pilipino. Kasama na rin ang mga panganib ng mga espiritong masasama.
C. ESTILO NG PAGKAKASULAT NG MAY-AKDA
Ang estilo ng pagsusulat ng akda ay nakaka-engganyo at nagbibigay-buhay sa mga nakakatakot na pangyayari. Ito nagbibigay-diin sa suspense at misteryo. Ang estilo ng pagsusulat ng may-akda ay madaling maunawaan at nagbibigay-buhay sa mga pangyayari. Gumagamit siya ng mga madaling salita at simple ngunit epektibong mga pangungusap. Ang kanyang tono ay nakakaengganyo at nagpapakita ng kanyang pagiging tapat at personal na karanasan sa pagsusulat.
III. PAGSUSURING PANGKAISIPAN
A. KAKINTALAN/KAISIPAN
Ang "The Writer" ay isang nobela na nagpapahiwatig na ang ating pag-iisip ay may kapangyarihan at ang mga negatibong damdamin ay nagsisilbing daan para makapasok ang mga masasamang espiritu. Ang nobela ay naglalayong magbigay ng babala sa mga mambabasa tungkol sa panganib ng takot at galit, at ang kahalagahan ng pagkontrol sa ating mga emosyon. Ang The Writer ay nagpapakita na ang takot ay maaaring magdulot ng malaking pinsala, hindi lamang sa ating mga sarili, kundi pati na rin sa ating mga mahal sa buhay.
B. KULTURANG MANSASALAMIN
Ang nobela ay sumasalamin sa kulturang Pilipino, lalo na ang paniniwala sa mga espirito at mga engkanto. Ang mga elementong ito ay nagdaragdag sa antas ng takot at misteryo na nararanasan ng mga tauhan sa nobela, na ginagawang mas kapana-panabik at mas malalim ang akda. Ang The Writer ay nagpapakita na ang mga paniniwala at kultura ay nagkakaroon ng malaking impluwensya sa ating mga karanasan at sa ating pag-unawa sa mundo.
IV. LAGOM
Ang "The Writer" ay nagsasalaysay ng kwento ni Jasper, isang binatilyong mahilig sa mga horror stories, na nakararanas ng mga nakakatakot na panaginip na nagiging totoong pangyayari. Ang nobela ay nagpapakita ng mga panganib ng mga masasamang espiritu, ang mga hamon ng paghaharap sa takot, at ang kahalagahan ng paghahanap ng katotohanan. Si Jasper, kasama ang kanyang pamilya at mga kaibigan, ay naglalakbay sa isang mundo na puno ng misteryo at karahasan, habang naghahanap ng paraan upang makatakas sa mga masasamang puwersa na nagbabanta sa kanilang mga buhay. Ang "The Writer" ay nagbibigay ng babala sa mga mambabasa tungkol sa panganib ng mga negatibong emosyon at ang kapangyarihan ng mga masasamang espirito.
V. REAKSIYON AT MUNGKAHI
Para sa ‘kin ang "The Writer" ay isang nakakatakot at kapana-panabikat napaka entertaining and sobrang nakaka curious tulad ng libro na “A Good Girl’s Guide to Murder” na sinulat ni Holly Jackson isa rin itong napaka gandang libro at ito ang libro na una kong sinuri dahil pina basa sa akin ito ng greatest love ko, kaya lubos ko itong nirerecomenda. Balik tayo sa “The Writer” ang nobela na ‘to ay nag-iwan ng malaking impresyon sa akin. Maganda ang phasing ng kwento at pagkakasunod-sunod ng mga nangyari at naganap sa kwento at naipakita rin na napakahusay nga ni Kris Alarde dahil sa pag gamit ng matatalinhagang salita para sa mga karakter sa kwento. Nagsisilbing ring paalala sa atin na ang ating pag-iisip ay may kapangyarihan, at dapat tayong maging maingat sa mga negatibong damdamin na ating nararamdaman. Ang The Writer ay nag-iiwan ng mga tanong sa mga mambabasa tungkol sa likas na katangian ng takot, ang kapangyarihan ng mga espirito at ang kahalagahan ng pagkontrol sa ating mga emosyon. Ang akda ay nag-uudyok sa mga mambabasa na mag-isip ng mas malalim tungkol sa mga karanasan nila at ang mga puwersa na nakakaapekto sa kanilang mga buhay.


Comments
Post a Comment